CAH, pinangunahan ang pampinid na palatuntunan ng Buwan ng Wika
SEPTEMBER 11, 2023
Pinangunahan ng Kolehiyo ng Sining at Humanidades - Departamento ng Filipino ang pagdiriwang ng pampinid na palatuntunan ng Buwan ng Wika sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga talento ng mga mag-aaral noong Agosto 31 sa BSU Gymnasium na may temang "Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan."
Sa pambungad na mensahe ni Dr. Myrna B. Sison-Kuiper, dekana ng Kolehiyo ng Sining at Humanidades, pinasalamatan niya ang mga guro at mag-aaral ng CAH sa pagiging posible ng programa.
Ipinaliwanag din ni Dr. Faistina T. Dio-as, koordineytor ng Sentro ng Wika at Kultura, ang tema ng taon. Diniinan niya and apat na punto.
Una, ang "Filipino at mga katutubong wika," ay isang pagkilala sa katotohanan ng pagiging linguistically diverse ng Pilipinas. Pangalawa, ang mga wika sa pagtataguyod ng kapayapaan. Pangatlo, ang mga wika sa pagtataguyod ng seguridad at panghuli, ang mga wika sa ingklusibong pagpapatupad ng katarungang panlipunan.
Inilahad din niya ang kahulugan ng ibon bilang pangunahing sagisag sa poster sa Buwan ng Wikang 2023. Ayon sa kanya, ang mga produktong bumubuo sa ibon ay sumisimbolo sa pagbibigay-priyoridad sa agrikultura bilang napakahalagang hakbang sa pagkamit ng inklusibong pag-unlad at pagpapatupad ng katarungang panlipunan dahil ang sektor na ito ang pinagmumulan ng pagkain na kinakain sa hapag ng pamilyang Pilipino. Ito rin ang pangunahing kuhanan-salukan ng materyales na ginagamit sa pagbuo ng produkto ng iba't ibang industriya.
Gayunding ipinakita ng mga mag-aaral ang pagpapakahalaga nila sa Wikang Filipino sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang talento sa sayawit, maikling palabas, sabayang pagbigkas, pagsulat ng sanaysay, poster-islogan at pag-indak.
Nagwagi si Marvilene C. Bangao ng College of Inforamation Sciences ay nagwagi sa patimpalak ng pagsulat ng sanaysay; sa patimpalak naman ng poster-islogan nagwagi si Maribeth D. Jazareno ng Kolehiyo ng Sining at Humanidades; at nakuha naman ni Jenelyn B. Umali ng College of Teacher Education, ang unang pwesto sa isahang pag-awit.
Samantala, ang Kolehiyo ng Sining at Humanidades ang nanguna sa patimpalak ng sayawit. Ipinakita ng mga mag-aaral ang kanilang pagpapahalaga sa wikang Filipino sa pamamagitan ng pagtatampok ng kanilang pinagmulan.
Bukod dito, nagpasalamat sa mga mag-aaral si Dr. Penelope F. Tica-a, tserman ng Departamento ng Filipino, sa kanilang mga presentasyon. Binigyang-diin din niya na ang mensahe ng kanilang presentasyon ang nagpatotoo sa tema ng Buwan ng Wika. Inawit din niya ang "Uggayam", isang istilo ng pag-awit na pangunahing ginamamit sa mga seremonya sa reehiyon ng Cordillera bilang bahagi ng kanyang pagwakas na pananalita.